<$BlogRSDUrl$>

Sarong pawati pero bakong karaw-karaw na paghona buda pagtino sa sakuyang banwang Tabaco

Sunday, November 23, 2008

Senti Feed [2]  

"Naalala ko ang mga Umaga sa Balara"

Minsan nung ‘99, nakisiksik ako sa isang maaliwalas na lumang bahay na ginawang boarding house sa Balara sa mga huling taon ko sa UP. Kagagaling ko lang nun sa isang mahabang bakasyon sa lalawigan (pinapalawig ang pisi ng isipan :) ), at nagbabalik sa pag-eestudyante. Napag-isip-isip ko ngayong halos kalahati ng alaala ko pala sa Maynila ay nangyari sa gabi, sa ilalim ng mga artipisyal na ilaw—sa rilim kumbaga. Subalit dito sa muli kong pag-litaw, sa bahay na ito, ang mga alaala ko ay ang mga umaga. Ang mga almusal. Ang kainan sa maliit na kwartong kusina din; ang maliit na kaldero; at ang mga usapan pagkatapos kumain sa ka-board na dalawang bikolanang tibak, at isang weirdong probinsiyanang conyita. Para ngang ang pagtira ko dito ang epitomahe ng pag-gising pagkatapos ng isang basag na gabi ng kasenglotan, at kung ano pang pagpapakalaglag. Dito ako natutong magtsaa at maalala ang lasa ng pagkaing ikaw mismo ang nagluto. Malinis na mga alaala, wholesome, halos tulad ng mga panahong naniniwala pa ako sa aswang at kay Santa.

Sa alaalang ito kasama ang isang matagal nang kaibigan, si Bun, kaya bale pagpupugay din ang entry na ito sa pinagdadaanan niya ngayon, at sa kanyang mga paglalakad, at ang di na maiiwasang paghahanap-buhay . Sa aking paniniwala, dito ko naisulat sa bahay sa Balara ang aking mga pinakamasasayang gawa. Positibo at puno ng pananampalataya. Sa likod ng paalala sa akin ng isang Analiza del Rosario na huwag muna akong masyadong magbababad sa mga mabibigat na usapin at isipin, naranasan ko ang ligwak ng mga ideya, na tila natipon ng ilang buwan-- at di ko sila pinigilan. Tinatamasa ko ang panibago kong kaligayahan, ang reklamadong alab.

Naalala kong sinusulat ko ito habang iginuguhit ako ni Bun, umuulan ata sa labas, at isa iyong Sabado o Linggong tanghali. Merong feel ang panahon ng isang epikong Chinese Film sa UP Film Center, at kaunti lang ang nanunuod. Nasa terasa kami na siya ring common at study area. Parang ang steady lang ng instance. Kaya nga photographic ang epektong lumabas.

Minsan malulungkot ka lang pag nakakaalala ng isang masayang panahon. At naaalala ang masasayang pangyayari madalas pag walang masayang nangyayari. Yan yung parang nagkaroon ka lang ng buhay sa nakaraan. syempre isa itong ilusyon dahil nung nangyayari ito’y marahil di naman natin sinabing “ang saya ko ngayon”...tila mas malapit sa katotohanan ang sambit na: “ang saya ko nuon” Patungo na naman ako sa mga salitang paulit ulit ko nang nasabi kaya huwag na. Eto ang litrato nun:

Umaga:

4

Sa gitna ng umiibig

at iniibig, ang Paghinga: ang paghithit

na tumutulak sa musika, at ang pagbugang

humihila sa Tubig

na kaladkad ang pagpatianod

ng mga katawan—ang mga kumawalang

talulot mula sa pamilya ng kumpol

na binubuklod ng Pakiramdam,

ang pagputla ng Klabel: alam ba nila

ang kanilang pangangailangan?

Musmos, bukol na sa basang kongkreto

ang salamin nabuo, ito ang sarili mo:

ranasin mo ang espasyong dinaganan

ng dahilan ng iyong pagiging nandito.

Ito ang itinaboy mo’t kinupkop na lugar

humihinga ang paligid sa kanilang pag-alis

at paghimlay.

5

__, nang matagpuan ko ang Pag-liit mo

hindi mo muna pag-aari ang iyong tiyan.

Dalaginding, kinuyom ng Sakit

ang iyong hugis—sa bangko, ano ba’t

tinabihan ka ng maraming higanteng

tinititigan lang ang mga lugar

na wala ka? Tinupi kang parang papel

na bapor, sa laot na pinalalim

ng iyong Tubig. Ano ba naman ang palad

ko’t kamay, para sagipin ka sa sarili

mong luha?

Ah, saan kita hahanapin dito!

Saan ko ikukubli ang nabasag

na mga pigurin, ng mga anghel, sa ating

paglalaro ng init—didiligan na lang ba ng Tubig

ang tigang na plorerang iningatan sa dibdib ng Kabinet?

At ipakain sa dilim ang mga umagang di na darating. Sa saya

sa ligaya

ng ulan, at mga estatwa ng antenang

itinikas ng Kasawian, ang Unos, ang pagliyad

ng mga kaymito, upang ipakita ang mga ginto nilang tiyan,

dito, ang pagkulubot ng mga Kastilyo,

ang paglawak ng mga ulap, ang paghasa sa mga kidlat,

ang pagkabuo ng mga miserableng sanaw sa baba, sa imburnal

ang luhaang mata ng mga daga, ang emosyon ng tahimik

na mga ipis, sa dingding,

ang mga lugar na di pa natin nararating,

ang Ulan. Ang hiyaw ng mga musmos,

ang kamatayan ng Tubig sa sinampay

at ang nakatagong Araw, sa kalawakan,

ang Ulan

sa maraming ulong karga pa

ang naghihingalong mga panaginip:

ang pamana ng yumaong Gabi, ang Pag-Ibig,

dumadausdos na parang agila, sa siko

ng kanal.

__, grabe na ang kalungkutan ko

ngayong natagpuan ko na ang mga lugar

sa aking panaginip. Ang Mayang tinawag

nating bobo ay nag-iingat sa mga nakadipang

kable. Pakinggan mo ang aking Tubig

sa iyong bubong, ang pagkatunaw ng hangin,

at ang init ko, isinasagot, maalab, diyan

sa iyong kumot.

Anong mas Kawalan pa

ang maidudulot ng Palabirong hangin

sa Pananampalataya ng mga bata,

na humihinga pa ang pakpak ng mga balana,

sa pagpulot sa patay nang katawan

ng paru-parong biglang tila muling lumutang,

lumiwanag, pagkatapos iburol sa sanaw ng kanilang Pag-tubig!

Sa Gabi, tuwing nakaliyad ang tiyan ko

katapat ang sibat ng mga basag na bituin

ang hindi nagpapatulog sa akin ay ang kahinaan

ng langit na kumapit sa kanyang mga patalim.

This page is powered by Blogger. Isn't yours?

[View Guestbook] [Sign Guestbook]
free website stats